05 February 2016

Munting Hiling

Maaari niyo ba akong pakinggan?
Gusto ko lamang na ako’y maintindihan
Kung bakit ganito ang aking nararamdaman
Na wari ay sobra sa ka-OA-han.

Ang paulit-ulit na pagsasabi ng mga salita
Pakiramdam ay masakit sa tainga
Kaya pandinig ay naaapektuhan
Ang pagtili ay di mapigilan.

May mga panahong ako’y nangingiti
Maaaring may naalaalang tila nakakikiliti.
Minsan nama’y init ng ulo’y di maitago
Dahil di intindi ang asar at biro.

Kung sana’y mga tao ay nag-uunawaan
Maiwasan ang mga kaguluhan,
Kung may respeto at galang sa mga karapatan
Kapayapaan ng mundo ay makakamtan.

Pagpapaalaala at pagtuturo ng mabuti,
Pagmamalasakit sa kapwa at sa sarili,
Mga gabay na maaari kong matutunan
Upang pagbabago’y aking makamtan.

Hiling ko’y mabigyan ng pagkakataon
Buhay ko’y umunlad at umahon—
Makilala sa aking angking galing at kakayahan
At maging inspirasyon ng mahina’t may kapansanan.


This poem is the contribution of Rose Gaviola

No comments:

Post a Comment